Wednesday, January 19, 2011

Comfort Women

This was one of the papers I submitted for my Fil50 (Panitikan ng Pilipinas) class when I was in 4th year college. After reading it again, I suddenly remembered the time we were with Lola Regina, and now I wonder where she is. =(



Si Lola Regina

            Madami na akong napag-aralan tungkol sa mga “comfort women” mula sa iba’t ibang aklat ng kasaysayan mula pa noong bata ako. Masasabi kong maswerte ako dahil bata pa lamang ako, kahit hindi pa man naming pinag-aaralan sa paaralan ang tungkol sa mga nangyari noong Ikalawang Digmaang Pandaigdig, ay marami rami na akong alam tungkol sa mga pangyayari noong panahong iyon. Sundalo noon ang aking lolo at isa siya sa mga Pilipinong sundalong nakipaglaban noong panahon ng Hapon. Madalas niya kaming kwentuhan ng kanyang mga karanasan sa giyera. Kaya naman kahit ito ang unang pagkakataon kong makapanayam si Lola Regina, na naging ‘comfort woman” noong panahon ng hapon, ay hindi na din bago para sa akin ang mga naikwento niya sa amin. Bukod sa mga kwento ng aking lolo ay mayroon na din akong nabasang mga aklat na nagkwekwento ng buhay ng mga “comfort women” noong nag-aaral pa ako ng Kas1. Marahil ang masasabi kong bago sa akin, at, para sa akin ay siyang pinakamahalagang bahagi ng aming panayam, ay ang mga personal na karanasan pagsubok na pinagdaanan ni Lola Regina bago, habang at matapos ang giyera.
            Hindi naging ganoon kalinaw sa akin ang ibang detalye ng kwento ni Lola Regina dahil na din sa madami kaming mag-aaral ang nakikipanayam sa kanya, at hindi na din naman kaya pa ni Lola na lakasan pa ang kaniyang boses. Gayunpaman, madami akong natutunan sa kaniyang kwento, lalo pa’t sa edad na 78 ay malinaw pa din sa kaniyang isipan ang mga pangyayari sa kaniyang buhay, at handing handa siyang ilahad ang lahat. Kung hindi ako nagkakamali, trese-anyos siya noon nang dukutin ng mga Hapon at dalhin sa isang lugar sa Pampanga. Ayon sa kaniya, hindi pa siya dinadatnan noon ng regla, at wala siyang kaalam alam sa mga pinaggagawa sa kaniya ng mga sundalong Hapon. Ang alam lang niya ay “Hayop talaga ang mga Hapon noon, kahit batang Hapon, mga walang puso.” Saksi siya sa pagpaslang ng mga Hapon sa kaniyang mga magulang, kapatid, at iba pang kaanak. Sa murang edad, sa isang iglap, naulila siya, nawalan ng pamilya. Nang dalhin siya sa isang bahay ay sinimulan siyang pagpasapasahan ng mg asundalong Hapon. Ayon sa kaniya, sa silong ng bahay kung saan siya pinagdalhan, habang ginagahasa siya, ay nakikita niya ang iba pang babaeng ginagahasa sa itaas ng bahay. Wala siyang magawa kundi ang umiyak. Araw-araw ay hubo’t hubad siya sa silong. Pagkaalis ng isang grupo ng sundalong gumahasa sa kanila, ay may kapalit na naming isa pang grupo. Ito ng naging buhay niya sa araw-araw hanggang sa maitakas siya ng isang gerilya. Noon ay muli siyang literal na nadamitan. Nagkaroon din siya ng bagong pag-asa. Sa pagsama niya sa mga gerilya at pagiging kasapi ng HULBALAHAP ay natuto siyang lumaban laban sa mga Hapon. Natuto din siyang humawak ng armas bilang sandata. Puno siya ng galit noong mga panahaong iyon. Nang patapos na ang giyera, at unti unti nang umaalis ang mga Hapon sa Pilipinas, unti unti na ding naubos ang mga gerilya. Isang araw nang makakita siya ng isang Hapon ay pinaghahampas niya ito sa sobrang galit. Hindi niya sinabi kuna napatay ba niya ang Hapong iyon ngunit ayon kay Lola ay halos hindi na makatayo ang Hapon sa sobrang pagkabugbog.
            Matapos ang giyera ay sumama siya sa iba pa niyang natirang kamag-anak sa pag-aakalang pag-aaralin siya ng mga ito. Ngunit sa edad na kinse, kung tama ang aking naaalala, ay ipinakasal siya ng kaniyang mga kamag-anak. Hindi natuloy ang sinabing pagpapaaral sa kanya. Ayon nga kay Lola, ni hindi niya alam isulat ang kaniyang pangalan. Bata pa at wala pang alam sa buhay may-asawa si Lola Regina, ngunit gayon pa man, ay pinangatawanan niya ang pagiging isang asawa at ina sa anim na sanggol na naging bunga ng kanilang pagsasama. Ngunit dahil na din sa hindi naman nila mahal ang isa’t isa, ay naghiwalay din sila kinalaunan. Mag-isa niyang itinaguyod ang kaniyang mga anak at buong pagmamalaki niyang sinabi sa aming napagtapos niya ang mga ito. Kitang kita kung gaano ka-proud si Lola habang kinukwento niyang napagtapos niya ng arkitektura ang isa niyang anak.
            Naging matahimik naman ang buhay niy amatapos ang giyera, at pinili na lamang niyang ilihim kahit sa sariling pamilya ang mga pinagdaanan niy anoong panahn ng Hapon. Masakit pa din sa kaniya ang mga naganap at hindi pa niya kayang ilahad ang mga ito. Ngunit isang araw ay hinikayat siya ng isang kaibigan na ilahad ang kaniyang kwento sa telebisyon. Matagal niyang pinag-isipan ito hanggang sa magdesisyong makipanayam kay Mel Tiangco upang ilahad ang kaniyang kwento. Noong panahong iyon lamang din nalaman ng kaniyang pamilya, particular na ng kaniyang mga anak ang kaniyang karanasan. Nakaklungkot dahil bukod sa pagkagulat, ay nagalit din ang ilan sa kaniyang mga anak dahil daw sa ‘ginahasa pala siya ng mga Hapon’. Paliwanag lagi ni Lola, “Hindi ko ginusto iyon. Hindi pa kayo tao noong nangyari yun.” Gayunpaman, hindi naglaon ay iniwan na din siya ng kaniyang mga anak.
            Naging aktibo si Lola Regina sa paglilingkod sa simbahan. Ayon sa kaniya ay malaking tulong ang kanyang paglalahad ng kaniyang kwento, at ang pagsisilbi niya sa simbahan upang unti unting maghilom ang sugat na dala ng digmaan. Hindi naglaon ay tuluyan na niyang napatawad ang mga Hapon. Ayon sa kaniya, habang kinukwento niya nag mga karanasan niya noon, ay wala na siyang kahit anong sakit na nararamdaman, patunay ng kaniyang lubos na pagpapatawad sa mga nanakit at lumapastangan sa kaniya. Hindi daw madali ang proseso, ngunit dahil sa kaniyang pananalig sa Panginoon ay natutunan niyang magpatawad at lumimot.
            Aminado si Lola na noong mga panahong ginagahasa siya ng mga Hapon ay hindi lang minsan niya hiniling na mamatay na lang. ngunit nawalan man siya ng pag-asa, ni minsan ay hindi daw niya sinisi ang Panginoon sa mga nangyari, dahil alam niyang dumating man siya sa puntong nawalan siya ng pag-asa at hirap na hirap na siya ay iniligtas pa rin siya ng Panginoon. Ang kaniyang pananampalataya ang siyang tumulong sa kaniya upang malagpasan ang bawat araw na pinagdaanan niya noong panahon ng Hapon, at magpahanggang ngayon.
            Alam man ni Lola kung nasaan ang kaniyang mga anak, ay wala na din daw silang gaanong komunikasyon. Nakakalungkot isipin na ganito ang naging reaksyon ng kaniyang mga anak. Ngunit marahil nga ay may plano talaga ang Panginoon.
            Nang tanungin naming si Lola Regina kung mayroon pa ba siyang nais hilingin sa Panginoon, ang sabi niya ay wala na. Ngunit dahil makulit kami, pinilit pa din naming siyang humiling. Ang sabi niya, hiling lamang niya ay ang magkaroon pa siya ng malakas na pangangatawan at mabuting kalusugan sa araw-araw upang mkapagsilbi pa sa kaniyang kapwa. Masaya na daw siya sa kaniyang buhay ngayon, at masaya siyang maibahagi ang kaniyang kwento sa mga kabataang tulad namin.
            Sa pagtatapos n gaming panayam, pinayuhan kami ni Lola Regina na pagbutihin an gaming pag-aaral, at huwag na huwag makakalimot sa Panginoon. Sa simula pa lamang ng umaga, pagmulat ng ating mga mata, ay nararapat lamang na magpasalamt tayo sa isa pang araw na ibinigy Niya sa atin.
            Masaya ako na naging bahagi ako ng pagtitipong ito nina lola. Wala akong kinalakihang lola kaya naman tuwang tuwa akong makita si Lola Regina at ang iba pa niyang kaibigan. Nakatutuwang isipin na sa kabila ng lahat lahat ng hirap na kanilang pinagdaanan noon ay heto sila at patuloy na nakakangiti at nagsasaya. 

No comments:

Post a Comment