O, sige na-inspire ako. Pero ano ba talaga ang isusulat ko? Dapat siguro isulat ko muna ang lahat ng laman ng utak ko, malawak man, madami man, o magulo man. Basta kung anong laman nito. Kesehodang pangit ang pagkakasulat. Kesehodang hindi kasing creative ng ibang nababasa ko. Kesehodang hindi ko sundin ang “essentials of writing” na itinuturo ko. Basta makapagsulat ako. Maipahayag ang nasa kaloob looban ko.
Kaya eto na. Dahil ang isinulat ni Anjo (Salamat UP) ang inspirasyon ko, susubukan ko ding mgsulat ng tungkol sa aking buhay estudyante, pero medyo kaiba sa nilalaman ng kanyang akda.
Nang nalaman kong pumasa ako sa UP, hindi lamang basta saya ang nadama ko. Ang una kong nasabi sa sarili ko, “Buti na lang pumasa ako.” Bakit? Dahil nakakahiya kung hindi ako papasa. Hindi pa man ako pumapasok sa school, tingin na ng mga tao, pagkatalitalino ko. “Ang swerte mo sa mga anak mo, ang gaganda na ang tatalino pa.” – isang linyang tumatak sa isip ko, isang linyang kinalakihan ko na. Hindi lang yata sampung beses kong nadining ang linyang ito, mula sa mga kaibigan ng nanay ko, sa mga teachers ko, at sa mga taong wala na lang talaga sigurong maisip na ibang komento. Maganda at matalino. Kasalanan to ng Ate Anna ko, panganay. Sya ang nagsimula ng lahat. Bibong bata, laging 1st honor, 1st place sa mga contest, 1st councilor, 1st child, 1st sa pila, at lahat na ng 1st. Nung grumaduate sya ng elementary, halos maputol na ang leeg nya sa dami ng isinabit na medalya sa kanya. Lahat na ba naman ng contest sinalihan nya, lahat ng contest na ginagamitan ng utak at ganda. Mabibilang mo sa kamay ang pagkakataon na hindi sya nanalo. Akala ata ng mga tao eh duplicated ng tatlong beses ang utak ng ate ko, pinagtig-isahan naming tatlong sumunod sa kanya. Kaya tuloy lahat ng sinalihan ng ate ko, gusto nila salihan din namin, dahil nga naman, “Bakit si Anna….” Pero hindi nga kasi ganun. Hindi ako galit sa ate ko, hindi din ako naiinis. Hindi naman nya kasalanan na nakuha nya lahat ng award nay un. Ang nakakainis lang kasi, hindi maintindihan ng mga tao na hindi porke magkapatid, pareho na sa lahat ng bagay. Kahit papano naman eh magkaiba kami ng fingerprint. Che! Magkaibang tao kami, tapos. Hindi lahat ng kaya nya, kaya ko. At hindi lahat ng kalaban ko sa contest ay hindi kasing galing ng mga nakalaban nya. Hindi ganun yun. Pero paano ko ba naman isisigaw at ipapamuka yun sa kanila? Kaya sige, panindigan. Kahit papaano naman, may mga natanggap din naman akong award. Naging 1st honor din naman ako sa halos buong taon ng pag-aaral ko ng elementary at high school. Nananalo din naman ako sa mga contest na hindi ko man gustong salihan eh, gora pa din ako. Naging councilor din naman ako ng school. At lumaki na ang nasa isip ko ay magaling ako. Matalino. Sabi nila,eh. Naniwala naman ako.
Kaya nang kumuha ako ng exam sa UP, (tulad ni Anjo, dito lang din ako kumuha ng entrance exam) hindi “Bro, sana pumasa ko dahil dito ko gustong mag-aral” ang dasal ko, kundi, “Sana pumasa ko, nakakahiya po kasi kung hindi.” At kahit na alam kong ang chaka ng hinihiling ko, pinagbigyan naman Nya ko. Pumasa ako. Hindi man sa kursong gusto ko, pero basta, pumasa ako, masaya na ko dun.Muntik pang maudlot ang pagpasok ko sa UP. Wala kasi kaming pera. Tulad ng nakararaming Pilipino, ang pamilya ko ay isang tipikal na pamilya na dugo’t pawis na itinatawid ang pang-araw-araw na gastusin. Pero naisip ng nanay ko, sayang, UP yan. Kaya gora na din kahit mahirap, kahit umutang, kahit pa ang dala ko sa dorm ay isang backpack na damit lang dahil yun lang naman ang matino kong damit na pwedeng ipamasok, at kahit pa makisabay sa kaibigan kong may kotse paluwas ng QC para makatipid sa pamasahe. Sayang naman, UP yan,eh.
Pagtungtong ko ng UP, dun ko naisip na hindi lang pala ako ang magaling, at hindi lang pala ako ang matalino. At ang masaklap dun, bukod sa madami kami, mas madami palang mas magaling at mas matalino sakin, (not to mention, mas maganda din!).
Nag-Kalay din ako, isang linggo, until magdecide ang Mama ko na magsama na lang kami ni Ate Anna sa dorm sa EspaƱa, tapat ng UST, habang nagrereview sya para sa board exam. Isang oras (o higit pa) ang binabyahe ko araw-araw papuntang school. Samantalang nung high school ako, naglalakad lang ako pauwi. After ng isang sem, lumipat ako sa Balara, at bago pa man ako lumipat finally ng Makati kasama ng mga kapatid ko,eh, tumira ako sa apat na bahay sa Balara.
Hindi ako scholar. Kung magkano man ang binayaran ko sa apat na taon ko sa university, hindi ko na din alam. Sinubukan kong maging scholar, pero dahil may cellphone ako(na bigay ng tita ko) at ang mama ko, at CPA ang ate ko (kahit pa nung mga panahong iyon,eh, kakapasa pa lang ni ate at wala pa syang trabaho), eh, hindi ako natanggap. Sinukuan ko ang scholarship. In the first place, ayoko naman talagang maging scholar. Hindi dahil hindi ko gustong tulungan ang nanay ko, kundi dahil ang gusto ko,eh, magtrabaho, at pagtrabahuhan ang perang ipapagpaaral ko sa sarili ko. Nagtatrabaho din naman ang mga scholars, puspos sila sa pag-aaral para sa maintaining grade na kailangan nila. Ang kaso, tamad nga kong mag-aral, naisip ko, hindi para sa akin ang scholarship.
Struggle ang unang semester ko. Tamad kasi ako mag-aral aminado ako. Unang exam ko sa PanPil 17, tumataginting na 5.0. Bukod sa puro essay, hindi ko nasagot ang isang tanong. “Bakit popular ang blogging?” Takte, ano ba ang blogging????? Sabi ng prof ko, kung di daw kami pamilyar sa blogging, Friendster na lang. Tumango ang mga kaklase ko, naintindihan na nila ang tanong. Pero ako, hindi ko din alam kung ano ang Friendster. Ni hindi ako marunong mag-internet. Dahil ba ako lang ang 1st year sa klase namin? Hindi siguro dahilan yun. Kaya yun, bagsak ako sa exam. Sa huli, naipasa ko naman ang subject na yun. Dos. Pwede na, pasa naman.
Hindi tulad ni Anjo, naging mailap sa akin ang uno. Kahit pa may mga prof ako na mahilig mamigay nun. Wala ata akong bulsa nung namigay sya, at butas ang kamay ko kaya di ako nakakuha. Buong kolehiyo ko wala akong natanggap na uno. Kahit pa may mga subjects na talagang pinagpuyatan ko din ng husto, pinaghirapang gawin lahat ng requirements. Wala talaga,eh, hanggang 1.25 lang ako. Pero hindi ko naman dinamdam yun. Dahil sabi ko nga, “Pwede na, pasa naman.
Nakaranas din ako ng masalimuot na 3.0. Hindi naman sa Math 2 na ayon nga sa iba ay “unoable” (kahit hindi din naman ako nakakuha ng uno). NatSci2 – Biology at Geology. Ayoko ng nagmememorize. Mahina ako dun. Ang dami daming concepts at terms ng subject na ‘to. Lagi pa kong late,o absent, wala tuloy akong notes. Ang dahilan ko lagi, traffic (kahit pa naka-MRT naman ako mula Makati hanggang Q Ave). Ayun, 3.0. Fourth year na ko nung makuha ko ang una, (at salamat dahil huli na din) na 3.0 ko sa UP.
Gaya ng lahat halos ng studyante, may mga paborito din akong prof. Mga hindi ko malilimutang tao. Hindi man kami naging close pero iniidolo at pinasasalamatan ko sila. Kahit pa sa tantya ko eh hindi na nila ako matandaan dahil hindi naman ako Bibo Kid sa klase. Sa department, idol ko si DocLa (Dr. Patricio Lazaro), thesis adviser ko. Kahit pa ayaw na ayaw ko ng usok ng sigarilyo ay tinitiis kong kausapin sya habang nagyoyosi sa labas ng PH132 dahil gustong gusto kong nagcoconsult sa kanya. J Ang galing nya kasi. Ang dami kong natutunan sa kanya, hindi lang sa paggawa o pagsusulat ng thesis, kundi sa buhay na din. Madaming takot sa kanya. Kahit ako noong nalaman kong sya ang thesis adviser ko,eh,gusto ko ng magdrop o magshift na lang ng ibang course para lang matakasan sya. Buti na lang, nanghinayang ako sa perang pinang-enrol ko. J Nang malaman nyang gusto kong magturo pagka-graduate ko, ang sabi nya, “Tamang tama, ikaw ang magiging pioneer ng Speech Comm sa BSU. Dadalawin kita dun.” Siguro hindi na nya natatandaan yun, pero, tuwang tuwa ako nang sinabi nya yun.
Si Dean A (Dr. Josefina Agravante). Sino nga ba naman ang makakalimot sa kanyang “Hmmmmm..” (rising intonation) J Takot akong magsulat ng thesis noon dahil feeling ko hindi ko kaya, parang ang hirap hirap. At, hindi nga ako sanay magsulat (kahit pa sandamakmak na papers na ang naisulat ko sa UP). Pero nung maibalik sakin ang first draft ng Chapters 1-3, at makita ko ang comment ni Dean A na “Good start!”, naisip ko na kaya ko pala. J Ang galing galing nyang magturo. At kahit pa ang mga sumunod kong draft,eh, punong puno ng mga corrections, still, kaya ko pala. J At kahit pa hindi kataasan ang grades ko sa mga exams sa 199, keri lang, kasi kahit papaano, maganda naman ang kinalabasan ng Chapters 1-3 ko. Sakto lang.
Si Ma’am Antee (Dr. Antoinette Bass-Hernandez) na kahit gaano kahirap ang trabaho,eh, parang ang dali dali sa kanya. Parang walang araw na nakita ko syang hindi nakangiti. At pakiramdam ko, lahat ng ginagawa naming magkakaklase,eh,naa-appreciate nya.
Si Ma’am Ianthe de Leon, isa pa din sa mga kinatatakutan sa department, pero isa sa pinakamababait na prof na nakilala ko. Nung maging panelist ko sya, madami syang matatalinong komento na talaga namang nakatulong sa improvement ng thesis ko. Ang galing galing.
Si Sir Anril. Hindi ko sya naging prof ng matagal, pero hindi ko makakalimutan ang bonggang linya nyang “I want this beautiful lady here to be Wendla” Kahit pa hindi naman ako magaling umarte, gora na din. Hindi ko naman sya naging gusto dahil lang sa tinawag nya kong maganda (though reason din yunJ) pero dahil ang husay nyang magpaliwanang ng analysis nya sa mga play na dinidiscuss namin. Minsan, kahit hindi ko naman talaga naintindihan yung thought ng play, na-appreciate ko pa din dahil sa galing nyang mag-analyze at magpaliwanag.
Sa hindi naman taga department, si Sir John Hudson Go na bukod sa crush ko (hehe) ay ang galing din magpaliwanag ng theories. Si Sir Felipe Jocano,Jr. (Anthro) na laging nagjojoke sa klase, at parang memorize ang laman ng libro at kahit gaano kahirap ang isang konsepto ay pinapadali nya dahil sa galing nyang mag-explain. Si Ma’am Dina Delias at Sir Jaime Naval (SocSci) na dahilan kung bakit na-appreciate ko sina Plato, Socrates, Machiavelli at iba pa. Si Sir de Villa (Philo) na napakaintelektwal sumagot, na para bang pag dumepensa ka ng sagot mo ay kayang kaya nyang baliktarin ang dahilan mo, at sasang-ayon ka na din sa sagot nya. At bukod syempre sa kapaligiran ko, sa kanya ko din unang natutunan ang pagbibigay kahulugan sa konsepto ng aktibismo.
At kahit hindi sya prof, si Kuya Lem. J Ang kuya ng department. Wanted sya ng lahat ng nagrereport sa klase. J Pati na din ng mga kailangang gumamit ng radio lab, o kaya naman kaming mga wala lang matambayan. Hindi ko malilimutan ang moments na nagkwekwentuhan kami tungkol sa aming buhay buhay. Si Kuya Lem na lagi na lang nakangiti. Kaya naman kapag napapadalaw ako sa UP ngayon ay hindi pwedeng hindi ako dadaan sa PH132 para batiin sya.
Napansin ko na ang dami ko palang paborito/gustong prof, siguro na-appreciate ko lang talaga sila dahil tulad nga ni Kris Aquino, “I love teachers.” Kaya sa lahat ng naging prof ko sa UP, (at lahat ng naging guro ko sa loob at labas ng silid-aralan), salamat.
Tatlong taon din akong nagtrabaho, bilang student assistant, at bilang tutor sa mga Koreano. Bukod sa Call Center, eh, pagtututor ang isa sa pinakamadaling pasukan ng mga taga UP. Try. Pera din yun. Tatlong taon kong buhay ang pagtututor. Pagkagaling sa school, derecho sa bahay ng students, hanggang gabi na yun. Minsan, mas madalas pa kong magbasa ng lesson ng student ko kesa sa sarili kong lesson, siguro dahil sabi nga ng high school teacher ko, “Pag ikaw kasi ang teacher dapat ikaw ang magaling ikaw ang bida”. Nakakahiya nga naman kasi pag tinanong ka at hindi mo alam ang sagot, lalo na at feeling ng ibang mga Koreano ay dapat alam mo lahat ng sagot sa tanong nila. Pero sana naiintindihan din ng iba na hindi naman nasusukat ang pagiging magaling mong guro sa pagpapaliwanag ng konsepto, o pagsagot sa tanong, o sa pagbibigay ng facts, kundi sa kakayanan mong maituro sa mga studyante mo na turuan ang kanilang mga sarili, at gabayan sila tungo sa pagkatuto.
Grumaduate ako pagkatapos ng apat na taon. Hindi man ako naging Cum Laude, Laude lang (title ng mga graduates na may grade na mas mababa sa grades ng mga Cum Laude), naging makabuluhan naman ang apat na taon kong itinigil sa UP. Hindi man ako nagkaroon ng ganun kadaming parangal, distinction, at kung anu ano pa, sapat na ang lahat ng natutunan ko at naituro sa akin ng aking mga guro, kaklase, kaibigan, mga janitor, taxi driver, manong guard, jeepney driver, waiter at waitress sa CASAA (na hindi ka pa tapos kumain,eh,binabantayan ka na, at pagkasubo mo ng huling subo ng pagkain mo ay bigla na lang mawawala ang plato mo), sa KATAG, mga pulot kids (mga batang namumulot ng plastic bottles), mga SSB sa sunken garden, tindero ng monay, kwek kwek, footlong, half-long at isaw – mga taong nakilala ko nang minsang mapadpad ako sa UP.